Online Seller Ng Pre-Loved Na Mga Damit, Kumikita Na Ngayon Ng 80-100K Kada Araw

Noong March 2020, meron lamang 1642 online businesses na nakarehistro sa DTI. Ngunit ng pumutok ang pandemya, lumobo sa 7,525 ang rehistradong businesses isang taon lang ang lumipas.

Isa si Brenda Lyn “Mercy” delos Reyes sa mga sumubok nito at pinalad sa kanyang business venture. Sinimulan ang kanyang negosyo sa sala ng kanyang bahay, ngayon ay halos wala ng mapaglagyan ang bulto bultong damit na labas pasok sa kanyang tahanan.

Nagsimula si Mercy ng may puhunan na P7,000 para magbenta ng mga pre-loved at bagong damit. At ayon sa kanya, ngayon ay kaya niya ng kumita ng P80,000 hanggang P100,000 sa isang araw sa pamamagitan ng online selling.

Sa kanyang interview kasama ang “Reporter’s Notebook,” makikita sa sala ng 46-anyos na ginang ang mahigit 100 packages ng iba’t ibang basket na may lamang mga damit. Ito ay ang mga nama-mine ng kanyang mga tagapanood.

Isang housewife si Mercy bago niya maisipang pasukin ang mundo ng live selling. Inamin niya na nasimula siyang maadik sa pag-mine ng mga damit at kinalaunan ay napagtanto niya na kaya at gusto niya ding magbenta online.

“Nagma-‘mine’ lang din po ako sa ibang mga nagla-live selling. And then na-realize ko, sabi ko, ang dami kong binibili hindi ko naman nasusuot lahat,” sabi ni Mercy.

“Sabi ko ‘Kaya ko itong gawin. Gawin ko rin kaya mag-online selling ng damit,'” dagdag niya.

Ayon kay Mercy, sinuwerte siya at marami agad nabenta sa kanyang unang live selling. Sa katunayan, kinulang pa nga daw ang isang bale o bulto ng mga damit sa dami ng tumatangkilik ng kanyang mga produkto. Ngayon, kulang na ang 10 bale sa kanyang live selling.

Ang halaga ng isang bale o bulto ng damit ay P6,000-P7,000 na kinukuha niya mula sa China. Pero bawing-bawi naman si Mercy na nakakabenta minsan ng P126,000.

Ngunit, ang tagumpay na kanyang tinatamasa ay may kalakip din na hirap. Sa isang araw, 8 hours nagbebenta si Mercy, 4 hrs sa umaga at ganoon din sa gabi. Sa mga oras na yon ay nakatayo lamang siya. Kahit na kasama niya ang mga anak at pamangkin. Inaabot sila ng hanggang 3 a.m. sa pag-invoice lang.

Saglit lamang ang kanilang tulog, dahil kailangan din nilang rumesponde sa mga customer at uumpisahang magbalot para sa shipping.

Bukod pa dito ay magso-sort ang kanyang team at tatahian ng butones ang mga nakuhang damit.

Dagdag pa dito ang pagkakaroon ng bogus buyers o joy miners o mga nag-“mine” pero hindi naman talaga bibili.

Sa kabila ng mga pagsubok na ito, masaya si Mercy dahil sa kanyang pagbebenta online, nakapagpundar na siya ng mga bagong gamit sa bahay at secured na din ang pag-aaral ng kanyang mga anak.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.