Isaw Vendor sa New York Kumikita ng P800K Per Month

Hindi lang Jollibee ang tatak Pinoy na pagkain ang patok ngayon sa New York City kundi pati na rin ang pagkaing mabibili sa halagang limangpiso.

 

Pinipilahan at dinarayo ang barbecue stall ng Batanguenong si Robin John Calalo sa Big Apple dahil sa kanyang masarap na isaw at iba pang street foods.

 

Nagsimula ang Pinoy entrepreneur sa halagang P2,500 na puhunan at ngayon ay kumikita na s’ya ng P800,000 buwan-buwan. Ang business ay tinatawag n’yang Boy Isaw at patok hindi lang sa Pinoy sa syudad kundi pati na rin sa mga foreigners.

 

Aniya, ang ideya ay nalikha noong 2019 nang s’ya ay mag-crave ng Pinoy street foods na talaga namang mahirap hanapin sa America o sa kahit anong bansa. Ang pagbebenta nga daw ay wala sa kanyang isipan.

 

Nakahanap s’ya ng bituka ng baboy pero napadami ang kanyang nabili kaya naman binenta n’ya ang sobra online.

 

“I decided to buy from market with $50 then I cooked. I prepared a lot then I sold it. The first one who bought from me are friends and family,” sabi ni Calalo sa isang interview with GMA News.

 

“Unang bumili sakin yung mga friends ko, kamag-anak, so ayun, dire-diretso na hanggang sa ginawa ko na s’yang extra income.”

 

Lalong lumakas diumano ang kanyang Boy Isaw noong nagkaroon ng pandemya.

 

Pinaikot n’ya ang kanyang “extra income” hanggang sa mapagdesisyunan n’yang magtayo ng isang pop-up store. Hanggang sa madagdagan ito ng ilan pa.

 

Ayon pa kay Calalo, nahahatak ng kanyang traditional Pinoy street foods gaya ng isaw, Betamax, atbp, ang mga foreigners dahil sa ito ay mga exotic foods.

 

“May iba’t ibang lahi na kumakain ng Filipino barbecue especially yung streetfoods na exotic kagaya ng isaw, paa, dugo – yan kinakain na rin nila.”

 

Nag-expand na rin ang menu ni Boy Isaw kung titingnan ang kanyang Instagram account. Nagbebenta na rin s’ya ng chicharong bulaklak, lumpiang shanghai, at liempo.

 

“I’m so thankful that I’m giving happiness and joy, not only to my fellow Filipino people but also to different races through my Filipino barbecue,” he said.

 

Ang mga netizens ay namangha at na-inspire sa istorya ni Calalo matapos mapanood ang kanyang istorya sa Youtube.

 

“Magkakanegosyo din ako” – wika ng user na si Kurt Bansag.

 

“Diskarteng masipag na pinoy spirit! Salute!” – sabi naman ni Krizel Orden.

 

Ang pagnenegosyo ang nakikitang susi sa financial stability ng maraming Pinoy ngayon at isa lang ang istorya ni Calalo na nagpapatunay na maaari kang magtagumpay kahit sa mga simpleng ideya lang.

Leave a Reply

Your email address will not be published.